ang mahiwagang suka ni lola…
Wednesday, April 29th, 2009Sa amin nung bata pa lang ako sa tuwing pagsapit ng alas sais ng gabi dapat nasa loob na kami ng bahay at nagsisimulang mag-ayos na ng sarili para sa hapunan, nariyan ang paglilinis ng katawan gamit ang basang bimpo na iginadgad sa sabong safeguard, dahil sa bata nga uunahing punasan ang alam na maruming bahagi katulad ng paa, kilikili, leeg, batok saka huli ang mukha. mahigpit na pinagbabawal sa aming magkakapatid nun na wag na kaming pakalat-kalat sa labas ng bahay dahil marami daw nagkalat na hindi namin nakikita at baka masaktan sila ng di sinasadya, “sila pala itong nakakakita e bakit hindi sila ang umilag pag alam nilang tatataman sila” yan naman yong palagi kong pilisopong sagot kay inay at itay, siyempre magagalit sila at magtutuloy-tuloy ang sermon sa mahabahabang upuan na parang hobby lang nila ang pagsesermon.
At dahil dyan nakasanayan na nga namin na curfew hour naming magkakapatid ang alas sais ng gabi. Sama sama kaming nanonood ng tv o dili kaya ay gumagawa ng asaynment o project sa school habang si inay ay nagluluto para sa hapunan. Hihintayin ang luto para masistensyahan. Mas madalas masarap ang luto ni inay kesa sa hindi, da best pa rin ang ilokanong pakbet ni inay, o kaya yong dahon ng malunggay na may sahod na sardinas, tinolang manok, at yong labong na may sahog na inihaw na bangus.Simple lang ang buhay namin sa probinsya. Walang masyadong rangya at luho ang mga tao. May ulam ka lang sa buong maghapon okey na okey na. Nakakamiss yong ganun.
Kelan lang ibinili ko ng ticket ang nanay at tatay ko papunta sa coron palawan kina lola, masaya silang nalaman nila na pinag-ipunan ko yong pinambili ng ticket. Nasurpresa sila at sa wakas ay makakapagbakasyon ulit sila doon. Excited na daw silang kumain ng sariwang isda at lobster, pero sinabihan kong wag na lang kakain ng alimango kasi susumpungin sila ng altapresyon nila. Umuo naman sila pero nakangisi.
Maganda daw dun pagmamayabaang sa akin ng tita ko, di pa rin kasi ako nakapunta dun.Pero sinigurado kong makakapunta din ako dun pag may libreng araw ako sa trabaho, uunahin ko munang makabili ng bagong digicam o yong pinapangarap kong dslr camera so pagpunta ko dun e turistang turista ang dating ko.hahaha… Kukumustahin ko lang naman dun ang lola ko na matagal na kaming di nagkikita, saka yong… ehem…lupang ipamamana nya (kung meron man) hahaha…
Teka balik tayo sa kwento, so yun nga may curfew hour kaming magkakapatid. Mahirap na raw baka pagdiskitahan kami ng mga adik na di nakikita. Pero so far wala pa naman akong natatamaan o nadidisgrasya na mga lamang-lupa maliban sa dalawa kong kapatid na mahirap utusan.
Yong lola ko naman sa father side, pag kumikidlat na malaks e kung anu-ano ang pinaglalagay sa aming mga magpipinsan kasama na dyan yong uber asim na sukang basi, maasim na mabaho pa sa katawan. Kahit kunot-noo na kaming magpipinsan e hala sige punas pa rin sya sa amin mula ulo hangang paa, kaya pagkatapos ng malakas na ulan na may kasamang malakas na kidlat e para na rin kaming lumpiang isinawsaw sa suka.
Naalala ko tuloy nun na tuwing umuulan e naglalaro kami ng sawsaw suka kasi di pwedeng maglaro sa labas, mabasa at umuulan o kaya’y umaambon. Nito ko lang nalaman na may double meaning pala yung larong yun. Akala ko pangwholesome…di pala.
Pero pag umuulan ng malakas at may kasamang malakas na kulog at kidlat, naaalala ko si lola, hindi nya na kasi ginagawa yon sa amin pag kumikidlat ng malakas bilang pangontra daw, wala na kasi sya limang taon na ang nakararaan. Namimiss ko sya sa totoo lang.
