tagu-taguan
Tuesday, September 22nd, 2009Tatlong taong gulang ako nung namulat ako sa larong taguan. Tulad ng larong bahay-bahayan e madalas din namin itong laruin ng mga pinsan ko lalo na pag maliwanag ang buwan. Akmang-akma yong bawat linyang sinasabi ng taya…
tagu—–taguan mayiwanag ambuwan.
waya sha yikod… waya sha halap.
magbibiyang atoh ‘gang hampu.
wan. to. por. seben. eytnayten! geym!
Ako yan nung bata ako, madalas ako ang taya kasi madalas din akong madaya. Minsan pa nga halos sa buong laro ako ang nagiging taya, syempre pag bata madalas ikaw yong pinagkakaisahan. Naalala ko minsan naglaro kaming magpipinsan kasama yong kapitbahay namin na barkada din ng mga pinsan ko. Ako yong naging taya, maguumpyang-kami, maiiba ang taya. Sa mga oras na yon di ko malaman kung bakit sabay-sabay silang nagtitinginan sa isat-isa na parang may pinaplano, tapos yong nakatatanda sa kanila kakamutin yong palad, pag umpyangan na ang nakapagtataka lahat sila magkakaparehong ako lang ang naiiba otomatik syempre ako na ang magiging taya.Pag ako naman ang naging taya, ang hirap nila hanapin, meron sa mga puno ng mangga, sa cr, sa kulungan ng manok, sa kulungan ng baboy at minsan sa loob ng bahay mismo.
Wan taym naglaro kami, tanghaling tapat yun; tulog si nanay. Nakipaglaro ako sa kanila, ganun din sila sa akin, ako pa rin ang taya, nung hahanapin ko na sila ni bakas nila di ko mahagilap. Antagal ko na silang hinahahanap pero di ko pa rin sila makita, nagtanong na rin ako sa kapatid kong daldalera pero kahit anong daldal nya di nya alam kung san nagsipunta mga kalaro ko. Halos isang oras na akong naghahanap pero wala pa rin talaga, mangiyak-ngiyak na ako nun at ibig nang sumuko nang may marinig akong halakhakan paparating, mga pucha nagsipaglaro pala ng basketbol sa kabilang baryo habang iniwan ako mag-isa na naghahanap na parang lang isang tanga. Inis na inis ako nun.
Pero magaling akong makipagtaguan sa nanay ko, pag oras na nang kainan lalo na ang pananghalian kung saan-saan ako lumulusot para lang makapagtago. Minsan pa nga dahil sa kakulitan at kapilyuhan ko nagtago ako sa bodega ng palay, e may tarangkahan pala amputah ayon nalocked tapos di na ako makalabas, sigaw ako ng sigaw pero walang nakakapansin sa akin pero malakas ang feeling ko na naririnig ako ng nanay ko nagbibingi-bingihan lang sya, bakit ko alam? sumisilip-silip kaya sya.
Minsan nakipaglaro sa akin si nanay, natuwa ako kasi perstaym nyang makipaglaro sa akin. Nagvolunteer pang maging taya. Habang kausap ko sya nung mga oras na yon naglalagay na din sya ng lipistik na pula, nagpupulbos at nagbibihis ng damit na magara; di ko pinansin masyado eksayted kasi akong makalaro sya.
Bibilang daw sya ng wan hangang wanhandred. Ang dami naman sabi ko. Okey lang daw para makapagtago ako nang mabuti, sinunod ko naman. So ganun nga ang ginawa nya, nagbilang sya habang ako naman ay nagtatago. Anong saya ko nun, nagtago ako sa di nya ako makikita. Ang kaso halos tatlumpong minuto na akong nagtatago e dipa rin nya ako nakikita. Hinayaan ko pa rin, gusto ko mahanap nya ako. Pero nung di ko na matiis lumabas na ako, saka ko lang nalaman na iniwan pala ako kay lola at may pinuntahan lang daw si nanay. Umiyak ako syempre.
Napakasaya ng kabataan ko nun, pag nagsasawa na kami sa ibang laro pers choys lagi namin ang tagu-taguan. Masayang makipaglaro kahit basang-basa na ang likod namin sa pawis, kahit amoy suka kaming lahat, kahit magkasing-amoy-araw pa kami, di namin yon alintana. Ang mahalaga ay nakapaglaro kami na naghahatid sa amin ng saya.
Pero alam mo sa larong ito napatunayan ko sa sarili ko na ang paghahanap pala ay nangangailang ng matinding tiyaga, tiyaga para manalo ka, tiyaga para makamit mo ang isang bagay, tiyaga para tawaging lumalaban ka nga, katulad din ito ng paghahanap mo sa tunay na pag-ibig, kung nagkakataong man iniwan ka ng mga kalaro mo sa tagu-taguan sa tunay na pag-ibig anumang mangyari hinding-hindi ka nya iiwan kahit sa puntong talunan ka na sa larong iyong pinasukan.



