tsinelas
Wednesday, March 10th, 2010Hindi ito ‘yong kwento ni Pepe na naanod ang isang tsinelas nya habang nasa ilog at pinaanod nya rin yong isa. Peksman. Sinasabi ko sa ‘yo hindi ito yon at lalong hindi ako sa Pepe.
Tanghali noon nang maisipan namin ni ama na pumunta sa ilog para maligo. May ilog na malapit sa amin ilang metro lang ang layo. Nasa apatnapu mahigit na si ama, tumatanda na pero bakas pa rin sa kanya ang hilig sa pagtatampisaw sa ilog lalo na pag mainit, isa pa di maipagkakailang magaling syang lumangoy. Habang nasa ilog kami, banayad lang ang agos ng tubig, payapa habang tumutungo sa gawing silangan kung saan nagtatagpo ang bukana ng ilog at dagat. May kalaliman ang ilog at isa sa katangi-tanging maipagmamalaki nito ay ang mala-asul nitong tubig.
Noong araw na yon pinayuhan ako ni ama na iiwan ko na lamang ang tsinelas ko dahil baka daw maputik sa aming daraanan gawa nga unang ulan ng mayo kagabi. Hindi ko pinakinggan ang payo nya, bagaman alam kong maputik pero sinuway ko ang payo nya. Pagsapit namin sa isang makipot at masukal na daanan totoo nga ang sabi ni ama, maputik ito. Nagpatuloy kami sa paglalakad, hindi alintana ang putik sa paa tutal maliligo naman kami kaya mahuhugasan din naman yon.
Bitbit ko ang spartan kong tsinelas nang marating na namin ang ilog, doon kami banda sa isang malaking bato na nalililiman ng puno ng kamatsili. Hinubad ko na ang baro ko at tinira na lamang ang salawal, gayun din si ama. Pareho kaming nagtampisaw habang nagbabasaan kami gamit ang mga palad, di ako masyadong makalaban dahil malit pa ang palad ko para makahampas ng malaking tubig papunta sa kanya. Talo ako sa puntong yon pero di ako mahihigitan ni ama pagdating sa habulan, siguro nga at tumatanda na sya kaya di na kayang kumaripas ng takbo.
Ilang minuto lang ang nakalilipas nang mataranta si ama. Agad umahon at pumunta sa pampang para maabutan ang naaanod na tsinelas, ang spartan kong tsinelas. Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ko dahil nagulat ako sa pangyayari, dahil sa aking kapabayaan ay naanod ang ibiniling tsinelas sa akin ni ama. Paniguradong pagagalitan ako nito ni ina dahil sa kapabayaan ko, madalas pa naman nyang sabihibin na isinop ko ang gamit kong mabuti. Bumalik ako sa katotohanang hinahabol ni ama ang naaanod kong tsinelas, gaya nga ng sabi ko may katandaan na siya para kumaripas ng takbo. Agad ko syang sinundan at tumungo sa gawing silangan kung saan papunta ang pobreng tsinelas.
Nandoon yong takot ko na baka di ko na muling makuha pa ang tsinelas at di na bumalik pa. Hindi man yong kasing mahal ng havaianas pero komportable ako sa tsinelas na yon, isa pa ibinili sa akin yon ng magulang ko kaya marapat ko lang na isinop. Naganap nga ang takot ko, di na naabutan ni ama ang tsinelas, bumalik sya sa akin para sabihing magbihis na ako at kunin ang naiwang gamit nya. Hindi bakas sa kanya ang galit o maging ang panghihinyang bagkus nandon yong pursige nyang makikita nyang muli ang tsinelas. Dahil dun, gayun din ang aking inasta. Atubili kong kinuha ang mga gamit at tinungo si ama, sabay naming binagtas ang dulo ng ilog.
“ ama, bakit di ko na lang kaya ipaanod itong isa kung tsinelas para sakaling may makakitang mangingisda sa dagat ang pareho kong naanod na tsinelas e maaari nya itong ibigay sa anak nya?”
“ e pano kung walang anak yong mangingisda? sayang lang ang tsinelas kung walang makakagamit, mabuti pa hanapin natin yong naanod na pares nito para mabuo at muling magamit”
“ pero ama, paano kung hindi na muling makikita pa?”
“bagaman malaki ang dagat, kung nasa puso mo lang ang paghahanap makikita mo tong muli”
“ pano kung nahanap na natin? ibabalik mo pa ba ang pares na naanod sa akin?”
“hindi na. ang pagkaanod nito ay ang pagtanggap na nawala na ito dahil sa yong kapabayaan, at dahil doon wala na ring magiging silbi pa ang naiwang pares kaya hihingin ko na lamang ito sayo para muling mabuo ang isang pares ng tsinelas”
“anong gagawin mo sa tsinelas ko?”
“malalaman mo rin…”
Dala ang naiwang pares ng tsinelas muling tumakbo si ama upang maabutan ang naaanod na pares nito, palakas na nang pakalas ang agos dahil malapit na ito sa bukana ng dagat. Pero nakikita ko ang pagpursige nyang makita itong muli.Hindi maikakaila yon. Bumalik muli sa aking isipan ang kwento ni pepe. May pagkakahawig pero may pagkakaiba. Naguguluhan ako at di matantiya kung alin at ano ang tama.
Ilang minuto na ang nakalilipas pero di pa rin bumabalik si ama, di ko tuloy alam kung nakuha nya ang naanod kong tsinelas. Pagkalipas pang muli ng ilang sandali, nakita ko na si amang parating sa aking kinaroroonan, nakangiti at mukhang masaya. Ang ipinagtatako ko lamang e kung bakit sya masaya samantalang di nya dala ang pares ng tsinelas ko. Tinanong ko sya kung saan na napunta ang tsinelas na yon, ngiti lamang ang tugon nya. Nagtaka ako.
Kinabukasan, nakita kong muli ang pares ng tsinelas ko, yong spartan. Nakita ko ‘to kay Elyo suot-suot ito, at masayang nakikipaglaro ng tumbang preso. Hindi na ako nagtaka pa, tama ang hinala ko, nakitang muli ni ama ang aking tsinelas subalit hindi na nya ito ibinalik sa akin para muling magamit. Kilala nga ako ni ama, dahil kung ako yon, itatapon ko na lamang ang naiwang tsinelas at magbabasakaling may makakakuha ang mga yon tulad yong kwento ni Pepe. Pero sigurista si ama, sinigurado nyang may makakagamit nun kahit may nakaabang ang panganib sa kanya. Idol ko nga sya.
sabi ko sa ‘yo e hindi ito yong katulad ng kwento ni Pepe na naanod ang isang tsinelas nya habang nasa ilog at pinaanod nya rin yong isa. Peksman. Sinasabi ko na sa ‘yo hindi ito yon at lalong hindi ako sa Pepe.
