Archives
mga lakwatsero
StatPress
Visits today: 67

Si Aling Pasing at ang mga makukulit na bata

Isa sa mga di ko malilimutan noong nag-aaral pa lang ako sa elementarya ay mga tsitseryang nabibili ko kay Aling Pasing — isang tindera nang kung anu-ano sa gilid ng eskwelahan namin. Meron sya lahat nang mga peborit ng mga batang madaling mauto. Isa ata yun sa mga taktika nya.

Sa loob ng apat na taon habang nag-aaral pa lang ako sa publikong eskwelahang ‘yon marami na akong naririnig tungkol sa kanya, may mga magagandang chismaks pero yong kaklase ko dati pinagkakalat nyang lahi daw sila ng mangkukulam ngunit di ako naniwala may mangkukulam bang nagsusuot ng dangling-dangling earrings at matitingkad na blouse? Sabayan pa ng pulang-pulang lipstick?

Mula pa nung nag-aaral ang erpat ko dun din sa eskwelahang yun e tindera na si Aling Pasing, tulad ng dati marami din daw syang itinitindang peborit ng mga bata.

Naging institusyon sya sa aming eskwelahan sa loob ng maraming taon na nagdaan. Sya ang instant crying shoulder ng mga batang inaapi, lumalabas sya sa kanyang tindahan para hanapin ang batang salbahe. Superhero sya ng lahat.

Minsan inasar ako ng klasmeyt kong babae, Mildred ang pangalan, inaasar nya ako kasi daw pambabae yong dala kong payong, floral at kulay fuchsia pa. Sinabihan nya akong bakla, sa galit ko hinmapas ko sya ng payong at sinigawan ko ng ‘hindi akoooooh baklaaaah!!!!’ at patakbo ako kay Aling Pasing para ireport ang nangyaring asaran. Kinampihan naman ako ng matanda pero nagalit sa akin. Nung oras na yun di ko maintindihan kung bakit. Ewan ko ba.

Nauso sa school namin noon yong pwedeng gawing pet na may shell tapos kung trip lumabas ng shell nila e lalabas na parang pumipiteks lang, di ko alam kung anong tawag dun basta nauso sa amin yun na itinitinda ni Aling Pasing, piso isa. Iniipon ko lahat ng baon ko mula lunes hangang huwebes saka ko ibibili ng biyernes para pagdating ng sabado at linggo ay may aalagaan ako, sakto naman pagsapit ng linggo ng hapon namamatay, iniisip ko na lang na na-over-fatigue lang sila o dili kaya ay nagka-internal hemorrhage. Pero bakit ganun linggo-linggo na lang? Pero malaking misteryo para sa akin ng mga hayup na ito e kung anong kinakain nila, kasi ni minsan di ko sila sinubukang pakainin.Yun kaya ang naging dahilan ng lingguhang pagpanaw nila sa kamay ko?

Kung si Aling Pasing lang ang tatanungin mo, lahat ng uso nung kapanahunan ko ay alam nya. Kung matatandaan mo yong sticker na lion king noon na pwedeng gawing teks e kay Aling Pasing ko binibili, kinokontrata ko sya lunes pa lang ng umaga kasi weekend bumibili sya ng paninda nya so nasa sa akin yong may magagandang pictures. Si Aling Pasing rin ang nabibilihan ko ng pogs, teks, lastiko, laruang tig-pipiso, mga tsitseryang tulad ng pompoms,mimi, chicadees, orange, at nung kapanahunan ng orihinal na marimar e meron ding marimar na tsitserya, meron ding rosalinda, maria del barrio at maria mercedes pero pinakapeborit ko noon ang mikmik, nano-nano, hanny chocnut, babolgam na bazooka at texas, at yong candy na lips. Meron din syang sago’t gulaman, mabenta sa amin yong sago kasi ginagawa naming sumpit, mas maraming sago mas maraming bala. Marami pa syang paninda limot ko lang yong iba.

Si Aling Pasing, simple lang sya pero palagi nyang sinasabi sa amin na mag-aral daw kaming mabuti, kaming mga bata na suki nya at patuloy na tinatangkilik ang paninda nya. Di namin sya maintindihan noon dahil sa aming kamusmusan at tanging paglalaro lang ang inaatupag.

Hindi naging konsentidor sa akin si Aling Pasing bagkus hinayaan lang nya akong maglaro at maglibang kasabay ng ilang bata upang i-enjoy ang aming musmos na kabataan. Malaking tulong yon para sa akin, hindi sya naging maramot sa murang karanasan na dapat kong maranasan.

Naging nanaynayan ko sya lalo na pag nagkakataong may lakad o tinatamad nanay ko para umatend ng PTA meeting na yan, lalapit ako sa kanya na parang nagmamakaawa saka nya sasabihin susunod na lang daw sya, ganun! kahit di ko pa man sabihin basta pag alam nyang may meeting at lumalapit ako sa kanya e otomatik yon na kelangan nyang dumalo para di ako mapagmulta ng singkwenta.

Ilang taon na ding hindi nagtitinda si Aling Pasing sa eskwelahang pinanggalingan ko, halos limang taon na ata mula nung sya ay pumanaw. Naratay sa sakit na kanser at nawalan na nang ganang magtinda. Marami ang nalungkot nung nalaman yon, dahil sa totoo lang naging parte sya ng kabataan ko at ng mga batang bumili sa kanyang munting tindahan, parte sya ng mga murang karanasan ko, parte sya ng masasayang araw ng aking kamusmusan.

Salamat Aling Pasing.

Tags: , , , ,

14 Responses to “Si Aling Pasing at ang mga makukulit na bata”

  1. Jepoy Says:

    Sayang naman at pumanaw napala si Aling Pasing.

    [Reply]

  2. Vajarl Says:

    May ganyan ding nagtitinda sa labas ng school namen non, pero hindi ko alam ang pangalan nya. May nagtitinda samen ng lugaw na Aling Pising naman, wala lang. Haha.

    Yung may shell na alaga ba yung parang may galamay na parang sa ipis? Medyo hindi lang nakakadiri di gaya ng ipis? Palagi ngang namamatay yon. Parang hamster lang ang lifespan.

    Ano ba napapagusapan sa PTA meeting? Palaging meron non pero parang wala naman nangyayari. Nakikipagtsismisan lang ata ang parents sa mga teachers. Hehe. Anyways, ang sweet naman ni Aling Pasing. Iniwan nya ba yung tindahan nya para umattend sa mga meetings? Hehe.

    [Reply]

  3. eloiski Says:

    nakakalungkot naman ang post na ito. pero medyo nakakatuwa rin at may naging kaclose kang si aling pasing. ako kasi sa private school kaya hayun ang strikto pero wag ka pag uwian pupunta ako sa mga tindahan malapit sa mga public school at bibili ng mga kung anu-anong mga laruan. hakhak! ang saya kaya nun… tapos may iba’t ibang pagkain din siyang itinitinda. wahoooooo!

    [Reply]

  4. Eli Says:

    Sa amin din nun may mga naba2litang mangku2lam pero wla namang napa2tunayan. Totoo nga ky ang kulam o gawa lang ng malikot na emahenasyo?
    Kalungkot dn nangyari kay aling pasing pero gnun tlga.ang buhay una2 lang.
    Naalala ko ung bazooka, fav ko yan nun.db yan ung may comics na nkabalot?

    [Reply]

  5. hari ng sablay Says:

    pare aling pasing sa inyo, aling yolly naman sa amin,hehe parehong-pareho din ang itinitinda, meron pang mga palabunutan, na ang premyo ay itik na magiging sunud-sunuran sa’yo,tsaka mga kinulayan na ibon,

    kahit wala na si aling pasing maswerte tayo naging parte tayo ng buhay nila ganuon din sa atin. :)

    [Reply]

  6. jasonhamster Says:

    kaya pala… sa spam pumupunta mga comments mo saken

    baket kaya

    ehhehe

    [Reply]

  7. jasonhamster Says:

    na touch naman ako sa super bonding moments nyo ni aling pasing..

    na iimaagine ko yung lag kang tumatakbo sa kanya
    lalo na yung nang jombag ka ng babae hahahaaaha

    ung hayop ata na sinasabi mo omang ata yun

    nasipit ako nun na instant nai cutter ang kuko ko
    hahaha

    [Reply]

  8. rico de buco Says:

    ang cute mong gumawa ng entry..ngiti ako all through out ng binabasa ko.,kung may aling pasing ka ako may aling josing…

    nakakarelate ako, kasi naepxerience ko ung kwento mo..sarap balik balikan parang buco salad..toinks biglang adlib eh…

    [Reply]

  9. livingstain Says:

    ui mr tayperz halika huhulaan kita… dali…

    [Reply]

  10. taya Says:

    uy Taympers!!

    Haha kung ikaw si tympers ako naman si taya! haha(mataya-taya daw?? haha) gwabe ka tol you change my life in a moment!! totoo ang kasabihang love at first sight!! in love na ko xeo!! hahahaha gwabe ang tawa ko sa mga kwento mu it reminds me of everything! i only drop by here once yet in your every story kinikilig ako!! hahaahaha gwabe ang tawa ko di na nakakapagtaka kung bukas makalawa sumakit ang tyan ko dahil puro kabag!!! haha tnx and i love you tol!! hahahahaha

    pwede magshare? share ko lang yung tindera samin na parang si aling pasing, xa si Kang Sinet! helow kang sineet sikat ka na!! hahaha

    Gwabe ang products nyn! best seller nya ang Minatamis na kapi na mas kilala sa tawag na “SUNDOT KULANGOT” na nakalagay sa lata na walang brand peo may nakasulat na Kulangot. Gwabe and sarap nun zubra! minahal ko si Kang sinet dahil dyan sa kanyang ESPESYAL SUNDOT KULANGOT ilang taon na nyang paninda un at nuon pa man matagal ko na ding pinagdadasal na sana eh madiscover na ang kanyang bigating discovery!!

    Kang sinet its your time to shine!!!!

    [Reply]

  11. p0kw4ng Says:

    aww katats naman at naalala mo si aling pasing! kung nagbabasa ng blog mo yun ngayon matutuwa yun at baka dalawin ka pa mamaya,hihihi

    napadaan…sensya na at natraffic ako dyan sa may kamuning kaya natagalan,hihihi

    [Reply]

  12. bluguy Says:

    ang gandang kwento…may ganun pala talaga sa lahat ng eskwelahan,,,ang sa amin namin ang pangalan si AMPARING!

    [Reply]

  13. otep Says:

    wow naman parang napapanood lang sa TV,

    galing.. wala akong masabi.

    masaya na si Aling Pasing kung nasaan man siya ngayon :)

    naalala ko yung suso na binebenta sa labas ng school namin, meron ding gagamba na depende sa laki ang presyo.

    naalala ko tuloy yung elementary days ko :)

    [Reply]

  14. Muffincake Says:

    astig parang nung grade six lang ako kaso 3 tindera ang pinupuntahan ko. 3 timer ako eh parang yung ginagawa ko ngayun >:-)

    sa kwento mo? w0w! wala parang na inspire na naman ako e1 ko ba?

    [Reply]

Leave a Reply