Archives
mga lakwatsero
StatPress
Visits today: 27

kamalayang malaya ng isang Kwek kwek

Hindi ako isang itlog na binalutan lang ng harina. Isa akong bukod tanging pagkain sa gilid ng kanto wangis ang mga dalandang nagmamantika ang kutis. Oo, ako si kwek kwek at ito ang kwento ko…

Isa akong mabuting asawa ni Marsya. Pero hindi ito tungkol sa aming pag-iibigan, nakokornihan lang ako. Isa akong propesor  sa isang unibersidad sa Diliman, dati yun noong hindi pa ako naging ganito, naging kwek kwek. Isang pagkaing alay sa kanto.

Mulat sapul madalas na kaming mag-away ni Marsya. Madalas kaming hindi magkasundo sa lahat. Nag-away kami minsan at sa sobrang galit nya, naihiling nya na sana maging kwek kwek na lang daw ako. Hindi ko alam kung bakit sa lahat ng pagkain kwek kwek pa ang kanyang napagtanto pwede naman sigurong caviar para naman sosyal yaman na lamang at magiging itlog lang. Naging kwek kwek ako sa isang kisapmata. Hindi ko napigilan. Hindi ko alam kung anong mahika ang sumukob sa aming paligid. Naging bantas ako ng bawat pitik ng aming orasan.

Sa mga oras na yon gusto kong sumambit ng putang ina! Pero hindi ko maatim na sumambit pa dahil sa pagkakagulat. Bilisan natin ang kwento. Parang walang nangyari kay Marsya, itinuloy nya na lamang ang inaatupag na kwek kwek sa kusina at kabilang ako dun sa bandihado ng mga itlog. Nakabibinging katahimikan.

“Uy Marsya kumusta ka na?”

“ito parang ikaw, hindi maganda”

“sobra ka naman, ano ba yang niluluto mo at pawis na pawis ka?”

“kwek kwek!”

“weeeh? Me ganon?”

Sus si Aling Petra pala, dakilang tsimosa yan pero magaling na manicurista. Ayoko nang pakialaman pa sila nabubuwisit lang ako. Ano nang mangyayari sa akin? Tuluyan na ba akong magiging itlog na binalutan ng harinang kulay dalandan? Ayoko.

Kunsabagay mas okey naman ang sinapit ko kesa sa balot. Pinagkaitan silang mabuhay ng mas mahaba pa gayong ilang araw na lang sana e sisinghap na sila ng totoong hangin sa Daigdig. Isang napakalaking ayroni ang kanilang kinalalagyan, biruin mo tao ang magbibigay kung ilang araw silang magaganyan bukod pa sa magagan’to.  Ang tao nga naman, tsk tsk tsk.

Alam mo noong bata ako, madalas sumagi sa isip ko kung ano ang magiging silbi ng tao sa mundo kung magiging parte ba ito ng pagbuo sa isang literal na mundo o pagkawasak lamang nito sa parehong literal at figyurativ na anyo at alam mo magpahangang sa ngayon isang ekwilibriyum pa rin ‘yon sa utak ko. Nahihirapan akong iklasifay ayun sa norm na alam ko.

Ano nga ba ang bumubuo sa isang tao? O ano nga ba ang bumubuo sa isang pagkatao? Magkaibang tanong pero may iisang punto pinatutunguhan. Sa tingin ko ang tao ay patungkol lamang sa pisikal na anyo at hugis nito, ang pagkatao ay ayun mismo sa hulma base sa emosyanal at isipiritual ng isang tao. Mali? Ewan ko na lang sa ‘yo. Isang napakalaking igzajereysyon kung paniniwalaan mong ang mundo ay kabilang sa tao, isipin mong mabuti baliktarin mo ang utak mo baka sakaling makuha mo ang punto ko.

Ang konsepto ng tao o individuwal sa mundo ay hindi lamang para may gumamit nito kundi para may mag-alaga sa mundong inihandog sa atin ng kung sino mang kinikilalang diyos ng bawat isa sa atin higit sa anupaman kabilang man ang relihiyon, lahi, lipunan, demografi, at kultura ang mundo ay ibinigay para sa bawat isa. Punyeta ano tong mga pinagsasabi ko? Inauguracion ba to?

Kung ang tinatawag mong mundo ay patungkol lamang sa ‘yo pwes gumawa ka ng sarili mong mundo. Ang mundo ay isang lugar ng interaksyon ng bawat tao o ng bawat nilalang.

Marsya, kung masasabing mundo ang pag-aasawa ko sa yo pasensya na ibang mundo ang napasukan ko…impyerno. Hindi ka kasi makatao tulad ko. Pero bago mo ako sermonan pa, parang awa mo naman pakawalan mo na ako. Muli mo akong gawing tao ayun sa pagkakahulma na kung ano dapat ako. Parehas lang naman tayong nagkamali at hindi nagpakatao, yun nga lang mas maabilidad ka tulad nila.

Marsya, ipagpatawad mo. Gawin mo na akong tao. At susubukang lamunin ng utak ko ang naiisip mong plano sa kwek kwek mo. Hindi ko na kokontrahin ang ideya mong kwek kwek na kukulayan mo ng kulay lila kahit magmukha pa silang itlog ng malanding si Barney may maputing pustiso. Pakawalan mo lang ako.

“hindi porket may sawikain sa dulo ng entri e matalino na ang gumawa nito, minsan wala lang silang maisip o kaya naman e para may masabi lang” – ginoong taympers

Opisyal na entri sa patimpalak ni jkulisap. Bayad na ako brad. Wala na akong utang sa ‘yo.

11 Responses to “kamalayang malaya ng isang Kwek kwek”

  1. nalaine Says:

    base. magbabalik kapag natapos na.

    [Reply]

  2. J. Kulisap Says:

    Sir, maraming salamat po.
    Pakisuyo,pakikumpleto po ang mga ss:
    Pangalan:
    Lokasyon:
    Link:
    Pakilagay po sa comment section ng aking Pasiklaban entry.

    Muli marami pong salamat.

    Mga hurado, hi sa inyo. Ito ay opisyal na lahok sa aking PASIKLABAN

    [Reply]

  3. PASIKLABAN | Kayumangging Damdamin Says:

    taympers.com[...] http://www.taympers.com/?p=915 1,207 Comments by J. Kulisap  /  June 7, 2010  /  Posted in: Pilipino Ako [...]

  4. eloiski Says:

    ay naman! namannnnnnn!

    ayaw ko ng kwek kwek. ayaw ko kasi kulay orange. hakhak!

    [Reply]

  5. J. Kulisap Says:

    Salamat Sir, nasa spam nga, di naman ako nakain non. Sapat na ang bagoong at pritong talong sa akin eh.

    [Reply]

  6. duking Says:

    may kung anung makulit na kaisipan ang naglalaro sa utak ko tungkol sa istoryang ito.hehehe.

    napaglaruan mo ang isip ko,sir!

    magandang araw!

    [Reply]

  7. Ax Says:

    Question of the night: Sino inspirasyon ng artik mo? At kwek kwek talaga ang naisip mo?

    Ungas ka. Yung kamustahan part. Naalala ko yung:

    Kamusta ka na?
    Eto gwapo pa rin…

    Natatawa ako sa susunod na sasabihin! Hehe.

    [Reply]

  8. aninipot Says:

    hahaha, di ko alam pero naenjoy ko talaga syang basahin, di mawala ang ngiti sa labi ko, pagkatapos kung basahin to…may kung anong bagay na di ko maipaliwanag pero tumatawa ako…ang galing….hahaha

    [Reply]

  9. J. Kulisap Says:

    Ito po ay Entry Number 38. Salamat po

    [Reply]

  10. Dorm Boy Says:

    Paborito ko rin ang kwek kwek pero now bawas muna ako sa pagkain ng kwek kwek mataas kasi sa kolestirol! Nice one dude! Mapapakain este mapapabasa pa ako dito sa mga susunod na mga araw!

    [Reply]

  11. eyok Says:

    “hindi porket may sawikain sa dulo ng entri e matalino na ang gumawa nito, minsan wala lang silang maisip o kaya naman e para may masabi lang” – ginoong taympers — heheh nice :)

    [Reply]

Leave a Reply