teks
May 19th, 2010Teks. Naalala mo pa kung paano maisapinta yong mga pelikula noong araw sa teks, mga pelikula nila bong revilla, eddie garcia, ronnie rickets, robin padilla, at kung anong patok sa sinehan noon. Malas nga lang nila dingdong dantes at marian rivera sa kanilang pelikula dahil hindi naisa-teks ang kanilang you to me are everything. Sa teks din kami noon madalas mag-away, may dugaan sa bilang, at itsapwera kung luma ang teks na pinanlalaro mo dapat yong malutong at bago.
Isa-dal-awa-tat-lo-a-pat… ganyan kung magbilang sa teks, yan din ata ang unang stepping stone ko sa pagbibilang noong bata ako dahil madalas kung panuorin ang mga kuya ko sa paglalaro nito. Si kuya victor yong magaling sa pektus na sinasabi, ito yong pag-itsa mo na may matinding konsentrasyon at tamang pagpitik ng daliri paitaas para manalo ang taya mo. Hindi ko alam kung anong koneksyon nito sa paglalaro kung bakit laging panalo o marahil tsamba lang ang mga loko. Kahit anong posisyon mo sa pag-itsa basta dapat manalo ka dito kundi gaya sa ibang laro tatawagin kang LOOOSEEERR!
May panahon ang teks, kumbaga uso-uso lang. Mas nauunang mag-uso ito madalas sa mga eskwelahan bago sa kabahayan. Ito ang una sa mga pinagkakagastusan ko noon, iipunin ko yong baon ko mula lunes hangang biyernes tapos ibibili ko ng teks sa araw ng sabado, dinadayo namin yong tindahan ni apong sindang o apong pasing para makapamili kami ng bago at magandang comic strip ng teks, tapos buong sabado na kami maglalaro hangang linggo. Pagkatapos naming mananghalian, maliligo kaming magpipinsan tapos makikipaglaro na sa kapitbahay, sinasamantala namin to habang sila auntie at nanay e nakikinig ng radyo sa programa ni tiya dely na paboritong paborito naman nila. May tv na noon pero wala pang wowowee kaya mas pinili na lang nilang makinig sa radyo.
May time noon na pagkagising na pagkagising ko palang e maglalaro na ako ng teks sa kapitbahay, walang mumog at walang hilamos. Kumbaga sa terminolohiya…adeeeek! Madalas akong umuwi na puno ang supot na dala ko, at tuwang tuwa ako pag nananalo. Nalilipasan na ako noon ng gutom sa paglalaro nito kaya nung nalaman ni nanay na ganun ang nangyayari confiscated lahat ng teks ko, maging yong paborito kong pamato. Iyak nang iyak ako noon at nagmamakaawa, pero kung anong tigas ng kalyo ko sa daliri noon sa pagteteks e ganun din katigas ang loob ng nanay ko. Nakita ko na lamang ang mga teks isang umaga kasama doon sa sinunog na damo sa likod ng bahay namin. Noong araw ding yon, pinagaralan ko ang makinig kay… ANG INYONG TIYA DELLLLYYYY! *susundan ng mellow kalimbang sound effect*
Ngayon, bihira na lang akong makakita ng mga batang naglalaro ng teks sa mga kalye. Bihira na akong makakita ng mga batang nanlilimahid sa dumi sa paglalaro ng teks, tuluyan nang nilamon ng panahon ang mga nakagawiang larong pinoy. Umuusbong na marahil ang mga makabagong laro tulad ng dota, sf, ran, flyff at ilan pang online games. Tuluyan nang nilamon ng transisyon ang mga makalumang laro.
Pero buhay na buhay pa rin sa akin ang larong ito, kelangan patas at walang mandadaya. At dito ko nakita kung gaano kaseksi si pricilla almeda at kung gaano kalaki ng ipinagbago ni rustom padilla ngayon.
photo credits: http://www.flickr.com/photos/leonbedista/2646151707/
bulaklak at ang bunga
May 17th, 2010Noong bata ako, marami kaming tanim na mga halaman at bulaklak na nakapalibot sa bahay, nariyan ang gumamela, santan, bogambilya, orchids at marami pang iba.
Pag wala kaming magawa, kumukuha kami ng bulaklak ng gumamela tapos dinidikdik namin hangang sa lumagkit tapos saka namin hahaluan ng sabon na champion…panalo! Magiikot kami ng walis tingting tapos isasawsaw dun sa nagawang pampalobo. Dalawa lang ang napapala namin dito pagkatapos namin maglaro, una ang masigawan ka ni nanay dahil sa kalat nyong magpipinsan sa likod ng bahay, pangalawa ang mapagalitan ka ni lola dahil ninakaw nyo ang sabong panlaba nya. Idol pa naman nya si susan! champion!
Alam nyo bang nagkabeke ako nang dahil dyan, ilang araw din yon na di ako pinalabas ni nanay tapos may nilalagay pa syang kulay blue at suka sa pisngi ko, na di ko naman maintindihan kung paano nagagamot nun ang beke.
Maliban sa gumamela, touch and go din kami sa santan, di ko alam kung saan namin nakuha yong pagsipsip ng nektar nito, basta ang tanda ko noon nagagaya lang ako sa mga kuya ko. Paborito naming sipsipin yong pula dahil mas matamis daw yun kesa sa dilaw. Wala namang pinagkaiba. Nagtatampo sa amin nun ang mga bubuyog dahil nauunahan namin sila sa pagsisipsip ng nektar ng santan. Masarap naman kasi lalo na pag inuunti-unti mong tinatanggal yong parag stick na nasa loob ng santan flower. Ganun kami nung mga bata. Pero pagkatapos naming mapagdiskitahan ang santan, sangkatirbang ratrat naman ng bunganga ni inay ang maririnig namin dahil sa nagkalat na bulaklak sa bakuran.
Isa pang trip namin nun magpipinsan maliban sa mga bulaklak e yong bunga naman ng kamyas sa harap ng compound namin. Iba ito kung mamunga, parang bulaklak lang sa dami. Kadalasan kukuha kami ng asin bilang sawsawan saka namin ire-raid yong kawawang puno, dun kami sa ilalim nitong nakaupo ngumangata ng hilaw na kamyas. Masarap yong abubot pa lang kasi di ganun masyadong maasim, tapos isasawsaw namin sa palad ng isa naming kasama, di namin alam kung alin ang mas maalat yong palad nya o yong asin. Go pa rin kami kahit ngumingiwi na kami sa asim.
Ikaw anong hilig mong sipsipin nung bata ka?
photo credits:
http://www.imagesphilippines.com/images/061903_104052.jpg
http://regandmitzi.files.wordpress.com/2009/06/kamias80.jpg
http://farm4.static.flickr.com/3052/2478444808_3cd9003ef4.jpg
tag ulan 101
May 16th, 2010Sa kulit namin noong bata kami kung anu-ano na lang ang naiisip naming gawin tuwing umuulan. Hindi ko alam kung bakit walang pinagkaiba ang tag-araw sa tag-ulan…ng kakulitan namin.
Isa sa mga hardcore na ginagawa namin tuwing tag-ulan ay ang maligo sa ulan, nariyan yong naghahabulan kami sa gitna ng bukid tapos magbabatuhan ng putik sa katawan, enjoy na enjoy kami na parang snow lang. Bawal sa mukha tamaan, deadly sin yon pag ginawa mo hindi ko alam kung bakit basta panuntunan yon ng mga kuya kong pinsan. Mayo pa lang nun hinihintay na namin yong ulan, sinasabi ko walang kasing saya ang maligo sa ulan. Peksman mamatay man.
Pagkatapos naming maligo sa ulan, syempre nasa loob na kami ng bahay, paghahandaan kami ngayon ni lola ng champorado kahit yong ginamit na bigas e sinandomeng lang, hindi malagkit at hindi ganung kasing alsa ng malagkit na bigas.Tapos yong tsokolateng ginamit ni lola e Milo lang tsokolateng binibili ng tito at tita ko para kina lolo at lola, wala kaming pake kung cheap ang champorado ni lola basta para sa akin kung gaano kasarap maligo sa ulan ganun din kasarap ang champorado ni lola.
At madalas din kaming maglaro ng trentren. Pagdudugtingin namin yong malilit na bangko o upuan tapos may driver sa unahan, enjoy na enjoy kami lalo na pag liliko daw yong tren kung makaliko parang car drifting lang, e wala namang ganun na eksena sa tren sa totoong buhay. Haay ang bata nga naman. Pag naaalala ko yon napapangiti akong mag-isa.
Meron pa yan sasabihin ng driver na Yukooooo!!! may sanga ng kahoy na nakabalandra baka tamaan kayo!!!!! Yuyuko naman kami, tapos yong mga babaeng kalaro ko maghihiyawan ng ayyyyyy! pero yong kapatid kong uber maldita magsaside-comment ng ‘ang cheap naman ng tren mo manong walang bubong’. sabay taas ng kilay at hawi ng bangs.
Pag nagsawa kami sa trentren, e taksitaksihan naman. Maglalagay kami ng upuan na parang sa kotse tapos may driver. Ako yong driver. Hihinto kunyari yong taksi tapos may sasakay, tatanungin ko kung saan sila pupunta, ewan ko kung ano meron ang Manila Zoo pero yun ang madalas na babaan ng pasahero ko, tapos yong kapatid ko naman magcocomment ulit gusto sa hongkong kasi may shopping spree daw dun. Magaaway-away sila sa loob ng taksi ko, yong isang sa manila zoo yong isa sa hongkong, parang napakalapit lang ng mga lugar na yun sa isat-isa. Walang silbi nun ang metro, at hindi namin alam na may ganun pala ang taksi. Dahil pagkasay pa lang nila e aabot na nila ang bayad, tapos hihingi pa ng sukli. Manila Zoo at Hongkong, duh?
Walang maipapantay na kaligayahan ang childhood memories ko, napakasimple pero napakasaya.Mga simpleng pagkakataon pero napakabigat na papel sa paglinang ng aking kamalayan sa kung sino at ano ako ngayon.
photo credit:http://homepage2.nifty.com/munesuke/aeta-kids-running-rain.JPG
ang kwento namin ni Jet
May 13th, 2010Grade one ako nun nang una kong marinig ang kwento tungkol sa eskwelahan ko na kesyo isa daw tong lumang seminteryo noong panahon ng hapon. May mga nagkalat din daw na bomba at mga maligno sa paligid ng school namin. Syempre dahil sa bata ka, matindi ang psycholigical effect nito sa yo at paniwalang paniwala ka nga dito, minsan ginagamit din tong panakot sa yo.
Kaya ganun na lamang ang takot ko pag cleaners ako, alas kuwatro ang uwian, at isang oras ang linisan. Hapon na at pababa na ang araw, sapat na rin yon para magsiuwian ang mga bata at kayo na lamang ng klasmeyt mo ang naiwan para maglinis ng kalat ng buong klase. Tanging langitngit na lang ng upuan ang naririnig mo sa tuwing bubuhatin ng klasmeyt mo ang upuan para walisin ito.
Sapat na rin yon para pagpawisan ka ng husto at feeling mo e may nagmamatyag sayo. Mga matang mapupula, may mahabang buhok, at kulobot na mukha na may belo sa ulo. Sinong hindi matatakot pag ganun ang naiimagine mo?
Ayaw na ayaw ko talaga nun ang maging cleaners ng klase, natoka pa naman akong magtapon ng basura sa likod ng room na pinaniniwalaang may batang babae daw na palaging nakayuko at nakalutang lang ng limang pulgada mula sa lupa.
Pero kung takot ako sa mga multo e kabaliktaran naman nun sa mga pinaniniwalaang dwende, may kaibigan ako nun…si Jet. May malaking pine tree sa likod ng school namin, tuwing lunch time pagkatapos naming kumain e pumupunta kami dun. Gumagawa kami ng bahay ng dwende kuno gamit ang mga sticks na napulot namin, parang lego lang kung makapagbuo kami ng bahay, kontodo imahinasyon. Paniwalang paniwala kami na gustong gusto ng dwende ang nagagawa naming bahay nila. Pero narealized din namin na sinong may bahay ang araw araw na lang e gusto may bagong design na bahay, kaya itinigil din namin.
Sya nga pala, si Jet rin pala ang palagi kong kasama bilang cleaners noon tuwing biyernes. Si Jet na isang gusgusing bata noon, ngayon isang ganap na interior designer na.
kwentong pampalamig
May 5th, 2010Isa sa di ko kayang i-anticipate ay ang init, ewan ko ba kung bakit mahina ang tolerance ko sa init o sa maalinsangang panahon. Bata pa ako nang mapansin ko to sa katawan ko, ayaw ko ng mainit na pakiramdam feeling ko e sinusunog ang katawan ko. Siguro maarte lang ako, pero anong magagawa ko kung mekanismo ng katawan ko ang nagdidikta.
Dahil na rin sa tindi ng init ng panahon ngayon, marami akong nakikitang pampalamig sa tabi-tabi nariyan ang halu-halo, palamig, ice candy, buko juice at marami pang iba. Mulat na ako sa ganitong mga pampalamig mula bata ako, pero walang tatalo sa trip namin ng mga pinsan ko noon, ang maligong nakababad sa batya.
Hindi pa uso noon yong kiddie swimming pool na mabibili mo sa mga mall. To the rescue sa amin ang batya pag trip naming maligo at magbabad. Kahit hirap na hirap kaming magpipinsan sa pag-iigib ng tubig para lang mapuno ang batya e larga pa rin kami.
Merong one time nang talunin ko ang batya, sa tindi ng puwersa paibaba e nabitak yong batya, at yong batyang yun e bagong bili lang. Anong nakuha ko? Palo lang naman sa puwit mula kay lolo. Galit na galit ang matanda dahil sa nangyari, at peksaman mula noon di ko na naulit pang hiramin yong gamit ng lolo’t lola ko.
Sabi ko nga, mahilig kaming magbabad noon. Kompleto kami sa mga anik-anik sa swimming, may trunks, may goggle, may beach ball pero magbababad lang naman kami. Pero ang pinakapaborito kong activity sa lahat ay yong lagyan ng tubig yong tabo saka ipapatong sa ulo hangang sa maubos yong tubig na laman nito. Panalo yon. At maging sa ngayon e ginagawa ko pa ring libangan sa banyo. hahaha
Eh ikaw anong pampalamig mo?
tsinelas
March 10th, 2010Hindi ito ‘yong kwento ni Pepe na naanod ang isang tsinelas nya habang nasa ilog at pinaanod nya rin yong isa. Peksman. Sinasabi ko sa ‘yo hindi ito yon at lalong hindi ako sa Pepe.
Tanghali noon nang maisipan namin ni ama na pumunta sa ilog para maligo. May ilog na malapit sa amin ilang metro lang ang layo. Nasa apatnapu mahigit na si ama, tumatanda na pero bakas pa rin sa kanya ang hilig sa pagtatampisaw sa ilog lalo na pag mainit, isa pa di maipagkakailang magaling syang lumangoy. Habang nasa ilog kami, banayad lang ang agos ng tubig, payapa habang tumutungo sa gawing silangan kung saan nagtatagpo ang bukana ng ilog at dagat. May kalaliman ang ilog at isa sa katangi-tanging maipagmamalaki nito ay ang mala-asul nitong tubig.
Noong araw na yon pinayuhan ako ni ama na iiwan ko na lamang ang tsinelas ko dahil baka daw maputik sa aming daraanan gawa nga unang ulan ng mayo kagabi. Hindi ko pinakinggan ang payo nya, bagaman alam kong maputik pero sinuway ko ang payo nya. Pagsapit namin sa isang makipot at masukal na daanan totoo nga ang sabi ni ama, maputik ito. Nagpatuloy kami sa paglalakad, hindi alintana ang putik sa paa tutal maliligo naman kami kaya mahuhugasan din naman yon.
Bitbit ko ang spartan kong tsinelas nang marating na namin ang ilog, doon kami banda sa isang malaking bato na nalililiman ng puno ng kamatsili. Hinubad ko na ang baro ko at tinira na lamang ang salawal, gayun din si ama. Pareho kaming nagtampisaw habang nagbabasaan kami gamit ang mga palad, di ako masyadong makalaban dahil malit pa ang palad ko para makahampas ng malaking tubig papunta sa kanya. Talo ako sa puntong yon pero di ako mahihigitan ni ama pagdating sa habulan, siguro nga at tumatanda na sya kaya di na kayang kumaripas ng takbo.
Ilang minuto lang ang nakalilipas nang mataranta si ama. Agad umahon at pumunta sa pampang para maabutan ang naaanod na tsinelas, ang spartan kong tsinelas. Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ko dahil nagulat ako sa pangyayari, dahil sa aking kapabayaan ay naanod ang ibiniling tsinelas sa akin ni ama. Paniguradong pagagalitan ako nito ni ina dahil sa kapabayaan ko, madalas pa naman nyang sabihibin na isinop ko ang gamit kong mabuti. Bumalik ako sa katotohanang hinahabol ni ama ang naaanod kong tsinelas, gaya nga ng sabi ko may katandaan na siya para kumaripas ng takbo. Agad ko syang sinundan at tumungo sa gawing silangan kung saan papunta ang pobreng tsinelas.
Nandoon yong takot ko na baka di ko na muling makuha pa ang tsinelas at di na bumalik pa. Hindi man yong kasing mahal ng havaianas pero komportable ako sa tsinelas na yon, isa pa ibinili sa akin yon ng magulang ko kaya marapat ko lang na isinop. Naganap nga ang takot ko, di na naabutan ni ama ang tsinelas, bumalik sya sa akin para sabihing magbihis na ako at kunin ang naiwang gamit nya. Hindi bakas sa kanya ang galit o maging ang panghihinyang bagkus nandon yong pursige nyang makikita nyang muli ang tsinelas. Dahil dun, gayun din ang aking inasta. Atubili kong kinuha ang mga gamit at tinungo si ama, sabay naming binagtas ang dulo ng ilog.
“ ama, bakit di ko na lang kaya ipaanod itong isa kung tsinelas para sakaling may makakitang mangingisda sa dagat ang pareho kong naanod na tsinelas e maaari nya itong ibigay sa anak nya?”
“ e pano kung walang anak yong mangingisda? sayang lang ang tsinelas kung walang makakagamit, mabuti pa hanapin natin yong naanod na pares nito para mabuo at muling magamit”
“ pero ama, paano kung hindi na muling makikita pa?”
“bagaman malaki ang dagat, kung nasa puso mo lang ang paghahanap makikita mo tong muli”
“ pano kung nahanap na natin? ibabalik mo pa ba ang pares na naanod sa akin?”
“hindi na. ang pagkaanod nito ay ang pagtanggap na nawala na ito dahil sa yong kapabayaan, at dahil doon wala na ring magiging silbi pa ang naiwang pares kaya hihingin ko na lamang ito sayo para muling mabuo ang isang pares ng tsinelas”
“anong gagawin mo sa tsinelas ko?”
“malalaman mo rin…”
Dala ang naiwang pares ng tsinelas muling tumakbo si ama upang maabutan ang naaanod na pares nito, palakas na nang pakalas ang agos dahil malapit na ito sa bukana ng dagat. Pero nakikita ko ang pagpursige nyang makita itong muli.Hindi maikakaila yon. Bumalik muli sa aking isipan ang kwento ni pepe. May pagkakahawig pero may pagkakaiba. Naguguluhan ako at di matantiya kung alin at ano ang tama.
Ilang minuto na ang nakalilipas pero di pa rin bumabalik si ama, di ko tuloy alam kung nakuha nya ang naanod kong tsinelas. Pagkalipas pang muli ng ilang sandali, nakita ko na si amang parating sa aking kinaroroonan, nakangiti at mukhang masaya. Ang ipinagtatako ko lamang e kung bakit sya masaya samantalang di nya dala ang pares ng tsinelas ko. Tinanong ko sya kung saan na napunta ang tsinelas na yon, ngiti lamang ang tugon nya. Nagtaka ako.
Kinabukasan, nakita kong muli ang pares ng tsinelas ko, yong spartan. Nakita ko ‘to kay Elyo suot-suot ito, at masayang nakikipaglaro ng tumbang preso. Hindi na ako nagtaka pa, tama ang hinala ko, nakitang muli ni ama ang aking tsinelas subalit hindi na nya ito ibinalik sa akin para muling magamit. Kilala nga ako ni ama, dahil kung ako yon, itatapon ko na lamang ang naiwang tsinelas at magbabasakaling may makakakuha ang mga yon tulad yong kwento ni Pepe. Pero sigurista si ama, sinigurado nyang may makakagamit nun kahit may nakaabang ang panganib sa kanya. Idol ko nga sya.
sabi ko sa ‘yo e hindi ito yong katulad ng kwento ni Pepe na naanod ang isang tsinelas nya habang nasa ilog at pinaanod nya rin yong isa. Peksman. Sinasabi ko na sa ‘yo hindi ito yon at lalong hindi ako sa Pepe.
totoo bang nanganganak ang kisses?
March 5th, 2010
Naalala mo kung pano ka naadik alagaan tong maliliit na bagay na to? Kung pano mo pinagkapuyatan at pinagpagurang silip-silipin sa pencil case at lagyan ng polbo. Kung paano paniwalang paniwala ang katawang lupa mo na dumarami nga sila at nabubuntis kahit di mo alam kung sino ang lalaki sa babae, basta pag malaki ang tyan feeling mo e babae na at buntis pa, bakit wala bang butyog na lalaki?
Aminado ako, oo naging fanatic ako ng kisses. Grade 3 ako noon nang magpabili ako kay nanay, una di ko sya mapilit kasi wala syang makitang dahilan para bilihan ang unico hijo nya ng mga maliliit na parang beads at pink pa. Pero naconvince ko sya din naman sya, ang rason ako na lang sa school ang wala pang ganung klaseng pet.
Sa mga di nakakaalam which i really doubt, ang kisses ay maliit na butil na gawa sa goma o rubber na naghahatid ng mabangong amoy. Oo mabango ito, at para mapanatili mong mabango kailangan daw na budburan ito ng pulbo, kahit pulbo ni lola okey na pero standard ata sa lahat yong johnson & johnson na pulbo.
Madalas gawin kong bahay ng kisses ko e yong pencil case ko. Nilagyan ko ng bulak at pulbo. di ko lang alam kung para saan ang bulak, malamang sa malamang instant comforter nila ito. Yong pulbo katulad ng sabi ko, para mapanatili ang aroma ng kisses. Amazing isnt?
Paniwalang paniwala talaga ako nong panahon na yon na nanganganak nga sila, may naririnig pa akong malicious rumors na alien daw sila na i-invade ang planetang earth at imbes na kisses daw ang alagaan ay hermit na lang daw, pero alam ko nagmula yon kay manong hermit kasi nalugi sya nong magboom yong bentahan ng kisses sa amin. May trading pa ngang nangyayari e, papalitan ng dalawang kisses yong isa mong matabang kisses. Walang nakusahan, walang naganap na human trafficking.
Sa school namin non naglipana ang mga believer at non-believer ng kisses. Pero isa lang ang naghit ng todo, si lola pasing na nagbebenta ng kisses. Sya ang may pasimuno sa eskwelahan kung bakit mas sikat pa ang kisses kesa sa mara clara para sa mga estudyante. Isa rin sya sa nagpapakalat na nanganganak ang kisses, sa katunayan nga may alaga din sya.
Grade 5 ko na nang malaman ko na di pala nanganganak ang kisses. Myth. False. As in false. Walang katotohanan kahit di pa ito sumailalim sa siyensa, malinaw na hindi to totoo. Non-living things ang kisses. Walang matres. Walang hininga. Walang parte ng katawan na maaring magcopulate. walang feelings. At higit sa lahat walang buhay. Paano nga naman mabubuntis ang kisses?
Disappointed ako nang malaman ko to. Di dahil sa mali pala ang pinaniniwalaan ko kundi nasayang ang oras ko sa panakaw na pagsilip sa pencil case gabi-gabi kung meron nga bang nagyayaring ‘kababalaghan’ sa loob nito.
Pero okey lang, kasi pag naaalala ko ang mga panahong yon, di ko mapigilan ang sarili ko na mangiti. Naging parte ito ng aking kabataan. At siguro ang konsepto ng kisses ay di para utuin ang mga bata kundi maranasan ng bawat bata na matutong manalig kahit may isang bagay na hindi man nakikita, sa parehonong paraan kung paano ka manalig sa Kaniya.
noong bata ka inisip mo rin bang ikaw si superman?
February 23rd, 2010
napagtanto ko, na hindi pala sa lahat ng oras nagiging superman ang isang bata, minsan kelangan nilang madisiplina para matutunan ang bagay na dapat matutunan ng isang tunay na superman.
napagtanto ko, kelangan mong isipin na ikaw si superman, atleast sa puntong yon nagkakaroon ka ng kompiyansa sa sarili mo na kaya mo ang isang bagay na mahirap gawin.
napagtanto ko, walang masama sa mangarap, ang masama ay ang mangarap ng masama. Hindi ka iisang ikaw kung hindi sya iisang sya.
napagtanto ko, na ang kabataan ay isang investment ninuman. Bigyan mo ng pagkain, pag-aaruga, edukasyon, tulong sikolohikal at isipirituwal, kalayaan, gabay at higit sa lahat disiplina ang magiging puhunan nya upang syang maging isang tunay na ’superman’.
napagtanto ko, wala sa rangya ng buhay o bulto ng yaman ang posibilidad na maging isang mabuting tao ang isang indibidwal, kundi higit pa man nasa ugat ng isang sama-sama at buong pamilyang maayos.
napagtanto ko, sa puntong kelangan ng tulong ng isang bata, higitninupaman…pamilya ang unang tutulong sa kanya.Walang maayos na pamilya kung walang respeto sa isat-isa. Wala ang inaakala mong ’superman’ kung walang tibay ang pamilya at pagsasamahan.
Minsan, noong bata ka, inisip mo rin bang ikaw si superman?
qoute
February 17th, 2010Boiled peanuts were the ceremonious gift.
-tatang mani






