Saturday, June 19th, 2010
Tumatanda ka na. Hindi maikakaila yon. Nagkakaroon ka na ng wrinkles sa mukha. Pero lumipas man ang panahon, andyan ka pa rin para sa amin.
Bente dos na ako. Kuwarentay tres ka na. At sa ganitong edad ka rin nun nag-asawa, ang aga mong naglandi. Bolero ka raw kasi sabi ni Ina.
‘Tang, naalala mo pa ba noong tatlong taon ako. Na sa tuwing gigising ka sa umaga e otomatikong gigising na din ako at sumasama sa yo papunta ng bukid para ipastol ang mga alaga nating hayop nun. Pinapagalitan ka pa nina lolo’t lola kasi pinapasama mo daw ako lagi kahit madilim pa pero ang hindi nila alam e ako ang nagpupumilit para sumama. Hindi ko alam kung anong rason kung bakit nga ba pero alam mo, ang tanging dahilan lang naman ay ayokong mawala ka sa tabi ko.
At bago tayo umalis e pinapakain mo muna ako ng almusal habang ikaw naman ay nagkakape. Kukuha tayo ng kaning lamig o bahaw saka sasabawan mo naman ng tinimplang gatas at ovaltine. Solb solb na.
‘Tang naaalala mo pa ba nung makita nyo akong nakasampa sa itaas ng puno? Tatlong taon din ako nun. Galit na galit ka nun hindi ko alam kung bakit at mukhang tense na tense ka maging si Inang. Sori po ha, ang kulit ko kasi.
Eh yong sa tuwing mahuhuli mo akong nagbubukas ng sarsi cola sa tindahan natin, naaalala mo pa ba? Imbes na pagalitan mo ako, e ikaw ang kakuntsaba ko sa krimen. Naghahati tayo sa isang maliit na sarsi cola. Tayo ang may kagagawan sa tuwing hindi mag-tally ang imbentaryo ni Ina.
Alam ko ‘tang na sa t’wing pinapalo mo ako ng sinturon e nangingilid ang yong luha sa awa. Minsan ka lang kasing magalit. Minsan nahuli mo akong nagtatapon ng bigas, ginaya ko kasi yong pagsaboy ng bigas sa simbahan sa tuwing may kinakasal. Imbes na paluin mo ako sinabihan mo akong pulutin ko ang butil nang isa-isa. Tinanong kita kung bakit, “malalaman mo pagtanda mo” tangi mong sambit. Ngayon nga narealized ko na, hindi pala akma ang pagsaboy ng bigas pag may berdey, sa kasal lang dapat pala. Sori naman po, ekspirement lang.
Speaking of ekspirement, aminado ako na kinukuha ko mga dynamo ng mga laruan kong kotse kotsehan, at kanilang mga pilot bulb. Front lang yong nasira kundi sinira po talaga. Idol ko kasi si Macgyver, alam mo naman yon di ba?
Alam ko die-hard ka ng wrestling. Kaya nga di ba binigyan kita ng DVD player at mga piniratang dvd ng wrestling para maaliw ka sa panonood kasi alam ko napupurga ka na sa hitsura ni Agua Bendita.
Alam mo, mahal na mahal ko kayo ni Inay. Hindi ko man masabi pero mulat sapul mahalaga kayo sa akin, sa amin ng dalawa ko pang kapatid. Salamat nga pala sa mga turo at payo nyo. Na lagi kaming magtutulungang magkakapatid at magmamahalan.
Alam mo kahit minsan naging pasaway ka sa amin, naging aral yun para mas lalo ka naming pahalagahan at mahalin. Buti naman at itinigil mo na ang alak. Hindi ka na palaging lasing, hindi mo na ako madalas pagsabihan ng…”alam mo syota ko nanay mo”. Lasing nga naman. Pero ngayon nagbago ka na.

Muli, happy fathers day ’tang! Namimiss ko na makipag-inuman sa yo.
Tags: agua bendita, happy fathers day, lasing jokes
Posted in mga bulok na ideya | 4 Comments »