Archives
mga lakwatsero
StatPress
Visits today: 27

Posts Tagged ‘bahay-bahayan’

bahaybahayan

Tuesday, September 8th, 2009

 

Isa sa mga paborito naming laruin noon ng kapatid at mga pinsan ko ang bahaybahayan. Bale yong kapatid kong babae ang mas mahilig sa larong to, gustong gusto nyang laruin to kasi gustong gusto nya ring iparis sya sa crush nyang kapitbahay namin, ganun lagi ang siste. O di ba ang agang naglandi?

Ginagawa namin to madalas sa likod ng bahay namin, may puno kasi dun ng mangga at nakabalandrang papag so madali na lang gawing bahay yun. Ang ginagawa namin kumukuha kami ng mga sako ng palay at pinagdi-dikitdikit namin gamit ang mga ipit sa sampayan ni nanay. Parang iskwater lang ang labas namin pero masaya.

Madalas ang papel ko sa bahaybahayan ay may-ari ng tindahan malapit sa bahay ng kapatid ko, ang pera namin nun ay papel din na sinulatan lang ng desired amount. Ako yong laging takbuhan nya pag nawawalan sya kuno ng mantika, asukal, kape, sabon at asin. Lahat ng bibilihin o uutangin nya meron ako, utang kasi minsan sobrang laki ng pera nya biruin mo sa kapiranggot na papel nakasulat ONE MELLION! josko ano kaya yon parang lokohan lang?

“ang laki naman ng pera mo, mali pa spelling” reklamo ko.

“yaan mo na, ganyan talaga pag mayaman kagagaling ko lang kasi ng banko nagwidrow ako ng pera ko” banat naman ng magaling kong kapatid.

Si nonong sya yong crush ng kapatid ko, sya din ang instant kapitbahay ng kapatid ko, minsan pa nga ako pa ang paaalisin ng magaling kong kapatid sa area at ipapademolish yong bahaybahayan ko. Minsan naman si Nonong yong kasakasama ko sa tindahan, bale ang mga paninda ko ay yong mga pinagbalatan ng kendi, pompoms na ang laman kung hindi dahon ay damo, chippy walang laman minsan nilalanggam pa, at ilan pang tsitseryang punumpuno ng MSG. Tapos yong dalawa kong pinsan kung hindi magkumpare sa inuman e mga driver kuno ng ewan kung anong bus company, mahilig silang magkunwakunwariang may sasakyan. Pinagdikit-dikit na upuan oks na sa kanila.

Lima lang kami madalas magkalaro, pwera na lang kung may dadayo pang ibang bata. Ginagawa namin to pag tanghaling tapat kasi tulog ang mga nanay namin sa oras ng siesta taym.Atsaka walang mang-iistorbo sa amin.

Yong kapatid ko naman sosyalera lagi ang papel nun, kunwari sya daw yong pinakamayaman sa aming lugar, na ang business daw nya ang magbenta ng pabango galing abroad, may pagawaan ng Louis Vitton na bag, may sariling kotse, may mga amigang nasa ibang bansa at kung kumain dapat kelangan kompleto ang kubyertos nya kahit gamit nyang baso ay lata ng sardinas na napulot lang naman kung saan saan.

Ako iba naman ang trip ko, pag lutu-lutuan totoong apoy talaga, gusto ko makita kung paano maluto yong sinangag na salagubang, inihaw na bulate, at pansit-pansitang damo. Minsan muntikan nang masunog ang bahaybahayan naming dahil sa kagagawan ko, syempre negligence–iwanan ba namang may niluluto habang nagsasaranggola. Nagalit sa amin ang lolo namin nun, kulang na lang ibitin kami patiwarik. Aliw na aliw kami nun sa paglalaro nito minsan halos buong araw namin ito kung laruin.

Sulit na sulit ang paghihirap namin kung panu buoin ang bahaybahayan sa hatid na ligaya sa aming murang isipan.Walang maarte (pwere yong kapatid ko) lahat okey na okey sa larong to.

Ang ayaw lang naming sa bahaybahayan e pag umuulan o kaya’y malakas ang hangin, ang hirap mag-ayos ng bahay at syempre pinapagalitan kami pag umuulan habang nasa labas ng bahay. Masungit ang nanay namin alam mo ba.

Ang ayaw ko sa bahaybahayan ay pag nag-aaway na kayo ng kapitbahay mo, kahit ano pwedeng ibato sa yo lalo na yang malditang kapatid ko. O kaya pag ayaw na namin ng mga pinsan ko tapos gusto pang maglaro ng kapatid ko, magsusumbong sya sa nanay ko na kesyo daw hindi sya kinakalaro, hindi sya bati at inaaway namin. Babaliktarin ang senaryo. Kaasar di ba? Aarte yun sa nanay ko, paiiralin ang kapilyahan, ito namang nanay ko madaling maniwala, madaling mabilog ang ulo. Asar.

Pero sa larong bahaybahayan may mga bagay akong natutunan. Natutunan ko kung ano ang kaibahan ng tunay na pakikibaka sa buhay kesa sa paglalaro lang, natutunan ko kung pano magtimpi, kung pano matiyagang ayusin ang isang bagay, kung pano tumakas sa dapat sanay oras ng pamamahinga ng bata para lumaki (daw), kung panu magkamali ngunit ayusin ito sa tama, at kung pano maging kuya para sa lahat.

Ang kaibahan lang ng bahaybahayan namin nun ay maaring walang nanay o tatay, mga inosenteng isipan at walang bahid nang anumang malisya, sa larong yan napagtanto ko na ang buhay pala mahirap pag walang magulang kelangang gumabay nang naaayon sa tama.

photo credits: http://www.craftwoodlumber.com/cedarshed.html