Bata ka palang nun hangang-hanga ka na kung paano lumilipad ang lobo na binibenta sa simbahan malapit sa bahay nyo, ibang-iba ito sa lobong nabibili mong tig-pipiso sa tindahan ni aling mami bukod sa maliit na e hindi ito katulad ng lobong lumulutang na anumang oras e pwedeng pumaitaas pag binitawan ang pisi. Naalala ko pa nun sa tuwing hihipan mo ang lobong binili mo e nanalangin ka na sana e lumulutang ito katulad ng mga binebentang lobo ni mang kanor sa simbahan, hala bata ka pa nga talaga. Nagkakabeke ka nun alam mo ba. Kaya natutuwa ako sa kainosentehan mo nung bata ka sa tuwing nakikita kitang may anong kulay asul na pinapahid dyan sa matambok mong pisngi.
Nag-aaway kayo ng mama mo nun sa tuwing pinagpipilitan mong ibili ka ng binebentang lobo ni mang kanor kasi gusto mong malaman kumbakit ang mga lobo nya e magaan ang kumpara sa lobo mong tig-pipiso, ayaw ng mama mo nun ibili ka dahil sa mahal ang lobo ni mang kanor –nasa sampong piso ata.
Isang hapon inuwian ka ng lola mong payatot ng isang kulay lilang lobo, galing sa isang birthday party ang lola mo. Di mo na ininda kung bakit di ka isinama kundi mas nanaig ang eksaytment mo sa dala nyang lobo. Tuwang tuwa ka nun alam mo ba, halos ipagsigawan mo sa buong kabahayan nyo. Agad mong kinuha mo ang lobo, hinawakan ang buong kabuoan nito. Nagpasalamat ka sa lola mo at agarang sumugod papasok sa loob ng bahay.
Binukatkat mo ang butas nitong sarado para malaman kung anong klase meron ito; hmp parang ordinaryo lang. Agad itong lumiit at kumawala ang madyik-hangin ika mo, pero nung palitan mo na nang hangin gamit ng iyong hininga di na ito lumulutang, nalungkot ka.
Alam kong intensyon mong gumawa ng lobo para paliparin papunta sa akin…para hilingin na sana magkaroon ka ng kapatid na lalaki. Alam ko yon, ramdam ko ang pag-aasam na magkaroon ka ng kapatid na lalaki di dahil sa ayaw mo sa dalawa mong kapatid na babae. Matindi ang pagnanasa mong magkaroon ka, matinding matindi.
Ayaw mong bumili ng lobo ni mang kanor kasi baka hindi tumungo sa langit at inaalala mo na baka makilala nya ang kanyang tindang lobo, isumbong ka sa iyong mama tungkol sa kahilingan mo. Alam mo bang inaasam ko ang gagawin mong lobo, yong ikaw mismo ang bubuo.
Ngayong malaki ka na, alam kong alam mo na kung ano ang bumubuo sa lobong binebenta ni mang kanor sa lobong tig-pipiso. Ngayong malaki ka na, sana nauunawaan mo na di lahat ng bagay nasusunod bagay na gustong kong malaman mo. Ngayong malaki ka na, gusto kong ipabatid sa yo na hindi lahat ng lobo dumidertso sa akin.May mga lobong nasa kalagitnaan palang bumibigay na.
Ngayong malaki ka na marami na ang nagbago sa ‘yo, di mo na ako madalas kausapin, di mo na ako imaginary friend. May mga bagay na nag-iba na ayon sa pananaw mo. Ibang iba ka na ngayon pero ikaw pa rin yong nakilala kong batang uhugin…batang nagnanais magkaroon ng kapatid na lalaki. Ngayong malaki ka na nagbago na rin ang paniniwala mo, di ko lang alam kung maging sa akin o sa kung ano man ang dapat panghawakan ng paniniwala mo.Nagtatampo ako sa ‘yo alam mo ba ‘yon?
Ngayon malaki ka, yang hawak mong lobo ngayon, oo yang hawak mo ngayon hindi yan nararapat dito sa kinalalagyan ko, matanda ka na alam mo na kung ano ang tama sa mali, mali sa tama. Sana sa bawat hakbang ng desisyon mo ay may paninindigan mo itong harapin kahit anuman ang mangyari, sa dulo o sa huli.
Yang hawak mo ngayong lobo labag yan sa kalooban ko.
