may maliit na gagamba, gagamba…gagamba.
Tuesday, June 8th, 2010Apat na taong gulang ka nang una kang makahawak ng gagamba, kakaiba sa feeling pero andun yong excitement mo. Inuuhog ka pa noon kasabay ng pagpunas mo sa mangas ng tisyert mo. Gagamba kong tawagin, arachnids kung tawagin ng kapatid mong maldita at lawlaw-wa ang tawag nyong mga ilokano.
Naalala mo pa ba kung paano kinaadikan ng mga pinsan mo ang sabong ng gagamba. Sa tuwing may maririnig kang may maghihiyawan sa isang sulok ng bakuran nyo e agad kang dali daling tumatakbo para lang makapanood ng naglalabang gagamba. Sa tuwing may maririnig kang iyak ng bata e alam mo na kung anong rason kumbakit ngumangawa sya. Craze na maituturing ang labanan ng gagamba sa inyo noon. Sinong makakalimot nga ba?
Pinapagalitan ka ng nanay mo noon sa tuwing nakikita ka nyang nasa likod ng bahay tuwing sasapit ang alas-sais, nakaupo at pa-linga linga na tila nagmamasid sa ilalim ng puno ng mangga. Doon mo kasi madalas mahanap ang gagamba, kundi naman doon sa dahon ng saging. Sa ganoong oras kasi gumagawa sila ng web nila sa pamamaraan ng silking, ballooning naman ata ang tawag pag gumagawa na sila ng spider web. Tuwang tuwa kang pagmasdan sila sa ganoong posisyon, kumbaga pinapanood mo muna silang magpagod bago mo sila hulihin. Ang sama mo. Pero kontra dito ang nanay mo dahil baka matuklaw ka ng ahas, kaya ang ginagawa mo na lang e ang pagsambit ng… syoooo bawang, syooo bawang, syooo bawang! Hindi ko alam kung anong meron ang bawang na maging sa mga ahas e pangontra pa pala akala ko sa aswang lang. Pinaniniwalaan mo pa rin magpahangang sa ngayon to, umamin ka!
Gagamba din ang dahilan kung bakit bagsak ka sa writing noong first quarter ng kinder garten mo. Ginagawa mo kasing 8 yong zero dahil nasanay kang korteng otso ang tulugan ng gagamba mo gamit ang malapad na goma sa loob ng posporo. Adik ka talaga!
Pagkauwing pagkauwi mo, imbes na lecture mo sa writing ang aasikasuhin mo, e yong alaga mong gagamda sa loob ng lagayan ng film o kaya sa posporo ang uunahin mo. Imbes na lapis ang hawak mo e walis tingting ang nasa kamay mo. Tatawagin ang mga pinsan maglalaban laban ang mga alaga nyong gagamba. tsigiiiidiiigggsss!!!!! nakabibinging hiyawaan. Ngunit palagi kang talo kasi palagi kang nadadaya ng kuya mo. Kung hindi pilay inaabot ng gagamba mo e minsan naman e nagkukulang na galamay dahil sa kadugaan ng kuya mo. Wala kang magawa kundi umiyak, hindi lang iyak yong malakas na malakas na iyak. Darating ang lolo nyo, mawawala ang kumpulan, mawawala ang hiyawan, at mawawala ang kantiyawan. Ganun lagi ang eksena, paulit-ulit pero nakatutuwa.
Naalala mo nung minsang nasa hapag kainan kayo at pasilipsilip ka sa gagamba mo, sinabihan ka ng nanay mong tumigil ka kundi ipapakain ya sayo to. Hindi ka naniwala at sinabihan mo pang… ows sige nga. Walang anu-ano’y bigla mo na lang natikman ang lasa ng guitar posporo sa bibig mo.
Hindi naman talaga maitatangging napakasayang maglaro ng gagamba, napakataas ng level ng excitement nyo at talagang ansaya-saya nyo, siguro nga dahil wala pa kayong alam sa animal cruelty noon.
Mar kung dumating man yong araw na makapag-laro ulit tayo ng gagamba, ikatutuwa ko yon ng husto. Sana dumating yong araw na yon, namimiss ko na kasing makipaglaro sa yo mula noong lumipad kami papuntang amerika. Sana makapaglaro ulit tayo ng gagamba kaibigan, sana…sana.
In memory of Rogelio.
photo credits: http://farm5.static.flickr.com/4063/4483686590_1275808fbd_m.jpg
http://www.seasite.niu.edu/Tagalog/images/rhoda’s/bata’t_gagamba2.JPG

