unang araw ng pasukan nun ng una kitang masulyapan.grade 1 tayo pareho. tanda ko pa nga na suot ko nun ang shorts ko pang kulay blue, tatak si mickey mouse. ikaw naman suot ay isang bestidang kulay dilaw, nakasapatos ka ng rubber shoes at isang pares ng puting medyas yong isa mahaba yong isa mas maikli.
dalawang beses mo na daw yong pagpasok sa grade 1 ng maasin brookes point. at hindi kaila na mas matanda ka ng dalawang taon sa amin. ginalyn daw ang ‘yong pangalan pero genalen ang yong pagbigkas nung magpakilala ka sa harapan ng klase. tumawa ang ilan.kaya hindi mo na itinuloy ang apelyedo mo. hindi ka komportable nun kasi habang nagpapakilala ka winawagayway mo ang yong dilaw na bestida sabay ng pagkagat ng kuko mo sa daliri. sabi mo nasa sampung taong gulang ka na, apat kayong magkakapatid at ikaw ang panganay. ang trabaho ng yong ina ay naglalako ng gulay, samantalang ang yong ama ay isang karpintero. mukhang sanay na sanay ka na sa pagpapakilala.
oras ng recess nun nang magkasabay tayong bumili kay maam nemia ng ice candy, pinaghalong tubig at brown na asukal. sengkwenta sentimos pa nga yon e, dalawang piso yong pera ko at yon ang unang pagkakataon nanlibre ako. yong sengkwenta sentimos mong pera ibinili mo na lang ng papel. may piso pa akong sukli, ibinili ko ng bokayo para sa kapatid ko.
tinanong tayo ng titser natin nun na si madam babylyn kung sino ang presidente natin, sabi mo si jose rizal. nagtawanan ang lahat. at inaamin kong isa rin ako sa mga tumawa. pinatahimik kami ni maam babylyn. itinuro ang letrato sa bandang itaas ng pader sa harapan, si ramos.
mula nung mangyari yun, matagal bago ka pumasok. nakikita kita sa talipapa kasama ang nanay mo. gusto ko sana syang kausapin kung bakit ka hindi pinapapasok. ang kaso andun yong tatay mong lasing nung mga araw na yon. parehas silang nag-aaway. ikaw abala sa pag-aayos ng inyong paninda.
naaalala mo ba si maynard at laynard? yong kambal. yong parehong magaling sa klase. eh si raymart na geek? may salamin at parating libro ang hawak. si brian yong may bisekleta na halos lahat tayo e gustong hiramin yon ang kaso madamot sya, ayaw daw kasi ng lola nya. si crisanto na lalampa lampa, palaging binabaunan ng lolo nya. si meryam, oo ganyan talaga ang spelling ng pangalan nya sya yong palaging nagme-may i go out. si arnold naman yong may mga coloring pens, na yong iba e hindi na sumusulat kasi pinaglumaan na pala ng mga kuya nya.e si mark anthony naman yong halos lahat power rangers ang gamit mula bag hangang sapatos? eh yong si john leonard na bata pa lang e bakla na? eh kasi naman papasok ng may hairclip, hinihiram pala nya yon sa ate nya tuwing papasok sila. nakita ni titser minsan kaya pinagalitan.nung sumunod na araw headband naman. akala kasi nya bawal ang hairclip kaya headband na lang.
ang kaso mo sa lahat ng nabanggit kong pangalan hindi mo ata naging kaibigan.mahiyain ka kasi. palaging nag-iisa. palaging nagmu-mokmok.wala kang tropa. gusto nga sana kitang isali nun sa barkadahan namin, yong fffe–friends forever and ever. kaso tinaggihan mo ako nang minsan kitang yayain, sabi mo nahihirapan kang bigkasin yong pangalan ng grupo namin, wala ka kasing ipin sa harapan. nalulungkot ako nun, gusto ko nga sanang palitan yong pangalan ng grupo namin kaso bagong member lang ako at hindi leader saka si john leonard yong leader e masungit yun di ba?
minsan pinalabas tayo ni titser para maglaro ng pe. naka p.e shorts kami nun, nakacycling ka naman. hindi ko alam kung tama nga ba yong nadala mong shorts para sa larong habulan. nahihiya ka pa nga nun e, pero nung sabi ni titser na taya sya e nakitakbo ka na rin. ako ang unang naging taya pagkatapos nya,maliit kasi ako. at nung naging taya ako ikaw ang una kong puntirya. kaso hindi kita nahagilap, nakita na lang kita sa likod ng klasrum, umiiyak mag isa.tinanong kita kung bakit, di ka nagsalita.
dumaan ang araw at buwan, hindi ka na muling pumapasok. sinubukan kong tanungin si titser pero natatakot akong balikan ng tanong nya kung bakit kelangan kong malaman.
desyembre ng taong 1994, ilang araw bago magpasko nang isama ako ni nanay sa lakad nya. pinagsuot nya akong sapatos at medyas. nagtataka ako kung bakit kasi pag may lakad lang na malayo ako pinapagsapatos ni nanay. so sabi ko baka nga malayo ang aming pupuntahan. ayaw nya kasing sabihin kung bakit basta ang sabi nya may party. bitbit ko nun ang isang kahon ng bearbrand na may mga kendi at chichirya sa loob na binalutan ng papel na may mga christmas tree.
tama nga ang sabi ni nanay, may party. meron kasing dalang casette si titser habang pinapatugtog yong macarena. late na akong pumasok ng klasrum lahat sila nakadamit ng maayos at maganda, lahat sila nakasapatos at nakasandals. tinawag ako ng fffe. sumali ako sa lupon nila.naging masaya naman ang party. may kainan, may sayawan. andun pa nga yong paborito kong sopas at pansit e. tapos nun nagpalitan na kami ng mga regalo. christmas party pala ang tawag dun.sayang lang kasi wala ka.
nung araw ding yon, isinama kami ni titser, bibisitahin ka daw namin, natuwa naman ako kasi pagkatapos ng ilang buwan e muli kitan makikita. itinabi ko yong flat tops na chocolate para sa sayo. saka ko binalot muli ng papel na may mga drawing ni santa claus. matutuwa ka pagsasambit ko.
malapit lang pala ang bahay nyo mula sa eskwelahan. ilang metro lang pala ang layo. excited na akong makita ka.
nung pagdating namin marami tao. may party din siguro sabi ko. pero laking pagtataka ko kasi hindi sila masaya. walang macarena, walang casette, walang mga regalo. nakatingin lang sila sa amin habang papalapit kami. at sa unti unting paglapit ko nakita kita, suot ang dilaw na bistida sa isang parisukat na kahoy na puno ng bulaklak at kandila.
in memory of ginalyn ******
december 1994.